ngunit hindi ko rin alam kung anong dapat maramdaman
dahil hindi ko lamang masabi
na ako’y hindi nasiyahan.

hindi naman sa ako’y nagdaramot
ngunit may mga bagay na sadyang sana’y di napakial’man
may dahilan ang pagtatago dito
sana, yun man ay naunawaan.

hindi sinasabing may galit na namuo
pero hindi rin sinasabing naging masaya ako
kasi kahit naman papaano
tago pa rin ang isinisiwalat na damdamin dito

oo nasasabi ko na ito’y tungkol nga
sa pagbabasang ginawa sa aking pagkilala
hindi lang kasi mawaksi sa isip ko’y paghusga
sa pagkatao ko sa mga naisulat na.

oo nga, tama ang naiisip sa mga nababasa
ang ako sa aking sulat ay siyang ako rin talaga
ngunit hindi ang ako na siyang nakukulong sa letra
ng pagsalin sa buhay na aking musika

oo marahil na nauunawaan ko sila
para sa kaibigan, shempre, gugustuhin lang ay ligaya
matagal-tagal mo na rin silang kasama,
pero ako, sino nga ba?

oo nga siguro dapat akong magalak
na nanaisin nilang kilalanin ako ng lubusan
ngunit di maitago ang di maramdaman
dahil sadya lang kasing pagkilala’y kulang

ang nakaraan ay nakaraan, lagi kong sinasabi
sa pagsusulat ko, ito rin laging nasasarili
ang nasulat ko dito’y marahil ako nga dati
ngunit ang pagbabago’y di nasusulat parati

sana aking naiparating, iyong naunawaan
kung bakit sa puso ko’y may pagdaramdam
huwag ka mag-alala, ako’y nalungkot lang naman
dahil pagkilala sa aki’y hindi naging lubusan

pagpapakilala ko sa iyong mga kaibigan
sa hinaharap, di ba’y posible naman?
ang naisulat ko dito’y sadya lang kasing kulang
upang maipakilala ang kung sino ako nang lubusan.

Advertisement